Friday, May 20, 2011

Ang Wikang Filipino

Ang wikang Filipino 

 ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas—ang Inggles ang isa pa—ayon sa Saligang Batas ng 1987. Isa itong wikang Awstronesyo at ang de facto ("sa katotohanan") na pamantayang bersyon ng wikang Tagalog, bagaman de jure ("sa prinsipyo") itong iba rito.

Pagsilang at layunin

 sang layunin ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa ang pagpapalaganap ng pagkakaisang pambansa, ang pagkakaroon ng heograpiko at politikal na pagkakapatiran, at maging ang pagkakaroon ng isang sumasagisag na pambansang wika ng isang bansa. Unang sumibol ang diwa ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa sa Pilipinas noong balik-tanawin ni Manuel Quezon noong 1925 ang isang damdamin ng pagkabigo ng pambansang bayaning si Jose Rizal, nang hindi nito magawa ng huling makipag-ugnayan sa isang kababayang babae habang nasa isang bangka patungong Europa.

Kasaysayan at sariling katangian

Noong Nobyembre 13, 1937, inilikha ng unang Pambansang Asamblea ang Surian ng Wikang Pambansa, na pinili ang Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Naimpluwensyahan ang pagpili sa Tagalog ng mga sumusunod:[3]
  1. Sinasalita ang Tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang pinakanauunawaan sa lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at pabubutihin nito ang komunikasyon sa mga taumbayan ng kapuluan.
  2. Hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng Bisaya.
  3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at malawak (sinasalamin ang dyalektong Toskano ng Italyano). Higit na mararaming aklat ang nakasulat sa Tagalog kaysa iba pang mga katutubong wikang Awstronesyo.
  4. Ito ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampolitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas.
  5. Ito ang wika ng Himagsikan at ng Katipunan—dalawang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong 1959, nakilala ang wikang ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong pambansang wikang papalit sa Pilipino, isang wikang itinawag nitong Filipino. Hindi binanggit sa artikulong tumutukoy, Artikulo XV, Seksyon 3(2), na Tagalog/Pilipino ang batayan ng Filipino; nanawagan ito sa halip sa Pambansang Asamblea na mag-“take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.” Gayundin, nilaktawan ng Artikulo XIV, Seksyon 6, ng Saligang Batas ng 1987, na ipinagbisa matapos ng pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos, ang anumang pagbabanggit ng Tagalog bilang batayan ng Filipino at mismong ipinagpatuloy na “as [Filipino] evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages (pagbibigay-diin idinagdag).” Tiniyak pa ng isang resolusyon[4] ng Mayo 13, 1992, na ang Filipino “ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo (pagbibigay diin idinagdag).” Gayumpaman, tulad ng mga Saligang Batas ng 1973 at 1987, hindi nito ginawang kilalanin ang wikang ito bilang Tagalog at, dahil doon, ang Filipino ay, sa teoriya, maaaring maging anumang katutubong wikang Awstronesyo, kasama na ang Sugboanon ayon sa paggamit ng mga taga-Kalakhang Cebu at Davao.

Mga naiibang pananaw at panukala

Bagaman naitakda na sa Saligang Batas at mga kaugnay na batas ang sariling katangian ng Filipino, may nananatili pa ring mga alternatibong panukala sa kung ano dapat ang maging katangian ng wikang Filipino. Gayumpaman, nararapat itong maibukod sa mga nagdaraing lamang na, sa kasalukuyan, ang Filipino ay de facto na iisa sa Tagalog at na ang pampublikong paggamit ng Filipino ay sa katotohanan ang paggamit ng Tagalog.


Source: Wikipedia